Tag Archives: kape

Kape, Yosi at Ikaw

Image

 

Kape

“We started over coffee…”—iyan ang sabi ng isang kanta.  At doon nga tayo nagsimula.  Itinuring ko ang ilang sulok sa Starbucks Coffee bilang historical landmarks na napag-ugatan ng ating pagsusuyuan.  Sa mapait na inumin tayo magkwekwentuhan ng walang kakwenta-kwentang usapan.    Mag-aasaran na wala namang patutunguhan.  Minsan, sinadya ko talagang bagalan ang aking pag-inom.  Dahilan ko lang naman iyon para maiuwi ko ang basurang may nakaukit pa ng pangit mong pangalan. 

 

Wala akong pakialam kung pang-ilang kape ko na sa isang araw.  May mga pagkakataon na nasosobrahan ata ako.  At sa mga panahong iyon bawal na bawal ako gulatin at baka atakihin ako sa puso.  Sobrang pagkabog ng dibdib at hindi na makatulog.  Nasobrahan sa kape, nasobrahan sa iyo.  Mapa Nescafe man, Mcdo o Starbucks, lahat ng klase ng kape papatulan ko basta kasama kita. Mistulang sugar at cream ka na tila nagpapatamis at nagpapasarap sa kapeng labis ng pait at tunay na nakakaadik.  Sa ating pagakakape, nakita ko nalang ang sarili kong nahihirapan na mapahiwalay sa iyo katulad ng hirap na mapaghiwalay ko ang kape at yosi. 

 

Yosi

Hindi naman talaga ako naninigarilyo sa totoong buhay.  Naiirita ako kapag naiisip kong ang baga ko ay mistulang squatter’s area na maya’t maya ay nauusukan ng mga smoke belcher at pabrika.  Pero nang nakita kitang nagyoyosi, humingi ako ng isa sa iyo.  Ang sarap kasi pagsabayin ng kape at yosi.  They complement each other.  Kaya sa tuwing magkasama tayo, napapayosi na rin ako.  Hindi ko namamalayang naaadik na pala ako. 

 

Naalala mo pa ba noong naiwan mo ang isang kaha ng sigarilyo mo?  Talaga namang inangkin ko talaga iyon at itinago sa basurang memento na galing sa iyo. At nang nakita iyon ng aking nanay sinabi niya, “Hindi ko ata gusto ang lalaking iyan…He’s bad for your health.”  Hindi ako nakasagot. 

 

At tuluyan na nga ako nahumaling sa lintik na cancer stick.  Sa pagiging, chain smoker, ako ngayon ay chain smokerer na.  Hindi ko na nga alam kung anong putanginang nangyayari at bakit gustong- gusto ko talagang manigarilyo lalu na kapag kasama kita.  Minsan nakakalito kung saan talaga ako nahuhumaling. Masarap kasi ang yosi pero masmasarap magyosi kapag ang kasama ko ay ikaw. 

 

Ikaw

Parang eksena sa pelikula kung paano tayo pinagtagpo ng tadhana. Nakakatawa nga eh, nagbabasa ako ng “When God Writes Your Love Story” habang may nakasaksak na earphones sa tenga ko noong pag-angat ko ng mukha, nakita kitang dumaan sa harap ko. Nagkatinginan tayo ng ilang segundo pero nilampasan mo lang ako at patuloy ka sa paglakad mo. Ilang hakbang na ang layo mo noong lumingon ka sa akin. Ngumiti ako sa iyo at nginitian mo rin ako. Doon na nagsimula ang lahat.

 

Dumating ka sa buhay ko ng hindi ko inaasahan. Pero sa pagdating mo, kasabay noon ang pagbago ng mundo ko. Sa kabila ng pagiging abala ko sa maraming bagay, pagdating sa iyo, nasisira lahat ng plano ko. Hindi ko na napapansin ang oras kapag magkasama tayo. At napupuna ko na lang, lagi na kitang hinahahap. Parang hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi kita nakikita. At kahit na lagi kitang nakakasama, mawala ka lang sandali sa tabi ko, miss na agad kita.

 

Lahat na ng kabaduyan, pumapasok sa isip ko kapag naaalala kita.

Mahal na nga yata kita.

Kahit hindi tama.

 

 

Bakit kaya kahit alam natin na nakakasama sa atin ang isang bagay, tinutuloy pa rin natin? Nakaka-cancer ang pagyoyosi, at nakaka-palpitate ang kape, pero na-a-adik pa rin tayo dito. Bakit? Kasi iba ang pakiramdam na nabibigay ng yosi at kape. Kaya kahit masama, kahit alam natin sisingilin tayo ng katawan natin sa panandaliang kaligayahan na iyon, tinutuloy pa rin natin. Kasi sa kasalukuyan, masaya tayo.

 

Parang ikaw… alam ko na hindi ka nakakabuti sa akin. Alam ko na dadating ang panahon, masasaktan lang ako sa iyo. Pero bakit habang maaga pa, hindi ako umiiwas? Kasi sa ngayon, napapasaya mo ako. Napupunan mo ang ilang taong pagkukulang sa buhay ko. At pinapadama mo sa akin ang mga bagay na akala ko noon, hindi na darating sa akin.

 

Ikaw ang yosi at kape ng buhay ko. Hindi ko maiwas-iwasan, hindi ko kayang tanggihan, kahit na alam ko na iisa lang naman ang patutunguhan nito – sakit sa puso. 

Advertisements
Tagged , , ,
%d bloggers like this: